Namataang naglalayag ang dalawang barko ng China mula sa bansa nito patungo sana sa Benham o Philippine Rise.
Ang Benham Rise o Philippine Rise ay bahagi ng exclusive economic zone ng bansa.
Ito ang ibinahagi ni dating US Air Force official at Maritime Security Expert na si Ray Powell sa social media site na X.
Ayon kay Powell, dalawang research vessels ang umalis ng Longxue Island sa Guangzhou, China at naglayag patungo sa Hilagang Silangan ng Luzon sa katubigang sakop ng Benham Rise sa Luzon Strait noong ika-26 ng Pebrero.
Kinilala ang mga barko na Haiyang Dizhi Liuhao at Haiyang Dizhi Shihao, kapwa research vessels ng PRC.
Sa ngayon, wala pang pahayag ang AFP at PCG hinggil sa mga namataang barko ng China sa karagatan na sakop pa rin ng teritoryo ng Pilipinas.