Kinumpirma ng National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS) na nagtamo ng structural damage ang dalawang barko ng Pilipinas na nagsagawa ng resupply mission kaninang madaling araw.
Ito ay matapos ang agresibong maneuver ng China Coast Guard (CCG) sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon sa NTF-WPS, nagkaroon ng bahagyang sira ang BRP Bagacay at BRP Cape Engaño matapos ang hiwalay na pagbangga ng CCG vessels malapit sa Escoda Shoal.
Unang nabutas ang deck ng BRP Cape Engaño kaninang pasado alas-3 ng madaling araw dahil sa maneuver ng CCGV-3104, bago ang dalawang beses na pagbangga ng CCGV 21551 sa BRP Bagacay.
Sa kabila nito, inulat ng Philippine Coast Guard (PCG) na nagpatuloy sa misyon ang dalawang barko patungo sa Patag at Lawak Islands.
Nauna rito, nagsumite ng diplomatic protest ang China dahil umano sa ilegal na pananatili ng PCG vessel BRP Teresa Magbanua sa Escoda Shoal kahit ito ay nasa loob ito ng Philippine Exclusive Economic Zone.