Cauayan City, Isabela- Kinilala ni PNP Chief PGen. Guillermo Lorenzo Eleazar ang dedikasyon sa trabaho ng dalawang pulis sa rehiyon dos matapos makatanggap ng ‘Medalya ng Kadakilaan’ dahil sa ipinamalas na kabayanihan.
Mismong si Eleazar ang naggawad ng medalya sa dalawang pulis sa kanyang pagbisita sa rehiyon dos ngayong araw.
Matatandaang si Patrolman Elymar Ayuman ng Provincial Mobile Force Company ay nagpamalas ng kabayanihan matapos tulungang mapaanak ang isang Ginang sa patrol car ng PNP matapos itong abutan sa daan ng panganganak.
Naka-duty si Ayuman malapit sa lugar kung kaya’t hindi na ito nagdalawang-isip pa na alalayan ang Ginang hanggang sa maisilang ang sanggol.
Samantala, instrumento naman si Patrolman Maynard P. Llapitan ng Isabela Police Mobile Force Company (IPMFC) matapos ma-revive ang isang indibidwal na nalunod sa ilog sa barangay Rang-Ayan sa City of Ilagan, Isabela.
Kasalukuyan noon ang pagpapatrolya ng grupo ni Llapitan ng makarinig sila ng sigaw na humingi ng tulong malapit sa ilog.
Maswerteng nabigyan pa ng pangalawang buhay si Ramon Domingo, 40-anyos, isang binata matapos bigyan ng paunang lunas ng rumespondeng si Llapitan hanggang sa magkaroon ito ng malay mula sa pagkalunod.
Nagsimula namang bumisita kahapon si Eleazar sa rehiyon at nag-ikot upang pangasiwaan ang turn-over ceremony ng pre-fab quarantine facility sa Isabela.