2 Big Time na Tulak ng Droga, Timbog sa Operasyon ng PNP; Higit P16-M Halaga ng Marijuana at Shabu, Nakumpiska

136

Cauayan City, Isabela- Arestado ng mga alagad ng batas ang dalawang big time na tulak ng droga matapos mabisto sa isinagawang drug buy bust operation ng pinagsanib na pwersa ng PNP-PRO2 at PDEA sa barangay Abut, Quezon, Isabela.

Bandang alas diyes kagabi, Marso 6, 2021 nang madakip ang mga suspek na kabilang sa High Value Individuals ng PNP at PDEA na kinilalang sina Anwar Sindatoc, 54 na taong gulang, drayber, residente ng Las Piñas City, Manila at Elson Cabunyag, 43 taong gulang at residente naman ng Port Area, Manila.


Kasama rin sa isinagawang anti-illegal drug buy bust operation ang pinagsanib na pwersa ng Provincial Drug Enforcement Unit, Isabela Police Provincial Office sa pangunguna ni Pcol James M Cipriano, Regional Drug Enforcement Unit 2 na pinangunahan ni PCpt Jhun Jhun Balisi, PDEA Region II, Provincial Explosives at Canine Unit ng Isabela at Quezon Police Station.

Nakuha mula sa mga suspek ang dalawang bricks ng Marijuana na ibinenta ng mga ito sa pulis na nagsilbing poseur buyer kapalit ang tatlumpu’t isang (31) piraso ng isang libong piso na boodle money.

Nagawa pa umanong tumakas ng mga suspek nang malaman na pulis ang kanilang nakatransaksyon ngunit naharang sila sa Quarantine Checkpoint ng PNP Quezon at PECU Isabela sa nasabing bayan.

Dagdag dito, nakuha din mula sa kanilang sasakyan ang 125 bricks at 4 na tubular ng hinihinalang Marijuana na may bigat na umabot sa 130 kilos at nagkakahalaga ng 16 milyong piso, isang (1) caliber 45 Colt Mark 4 na pistol na may lamang pitong (7) bala at mga bala ng M14 rifle.



Bukod sa mga ito ay nakumpiska rin mula sa mga suspek ang humigit kumulang na tatlong (3) gramo ng hinihinalang Shabu na nagkakahalaga ng P20,400.00; iba’t-ibang uri ng identification cards at dalawang (2) cellphones.

Dinala na ang mga suspek sa crime laboratory para sa drug test samantalang ang mga nakuhang ebidensya ay nasa kustodiya ng PDEA RO2.


Inihahanda na ang Kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act) at Republic Act 10591 na isasampa laban sa dalawang high drug personalities.

Inaalam na rin ng pulisya kung saan nanggaling at saan sana dadalhin ang mga nakumpiskang iligal na droga.

Facebook Comments