2 bilanggo, patay habang 5 sugatan nang magkabarilan sa loob ng Oriental Mindoro Provincial Jail

Dead on arrival sa ospital ang dalawang bilanggo habang patuloy na ginagamot ang lima pa matapos na magkaroon ng barilan sa loob mismo ng Oriental Mindoro Provincial Jail sa Provincial Capitol, Brgy. Camilmil, Calapan City, Oriental Mindoro kaninang alas-2:00 ng madaling araw.

Sa ulat ng Oriental Mindoro PNP, ang dalawang nasawing bilanggo ay sina Lowelyn Laguerta Mendoza at Edison Sulit Sampag na siyang suspek sa pamamaril sa nasawi at limang mga sugatan.

Sa inisyal na imbestigasyon ng PNP, nagkaroon ng 9mm caliber pistol ang suspek na si Edison Sulit sa loob ng Oriental Mindoro Provincial Jail at walang sabi-sabing pinagbabaril ang biktimang nasawi na si Lowelyn Laguerta Mendoza.


Nadamay rin sa pamamaril ang limang detainees na sina Jeffrey Bajo Delos Reyes, Christian Encarnado Licuan, Hector Culla Abes, Mark Belleza Dela Cruz at Alberto Lubusan Ebueza.

Matapos ang ginawang pamamaril ng suspek ay nagbaril ito sa sarili.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng PNP para matukoy ang motibo sa krimen at kung paano nagkaroon ng baril ang detenido na suspek sa loob ng bilangguan.

Facebook Comments