2 buwang price freeze sa mga pangunahing bilihin, mahigpit na ipatutupad ng DTI sa mga lugar na nasa ilalim ng state of calamity dahil sa mga nagdaang bagyo

Mahigpit na ipinatutupad ng Department of Trade and Industry (DTI) ang price freeze para sa mga pangunahing bilihin at pangangailangan sa mga lugar na nasa ilalim ng state of calamity.

Ito’y kasunod pa rin ng epekto ng mga nagdaang bagyo, kabilang na ang Bagyong Nando, Bagyong Mirasol at Bagyong Opong.

Ayon sa DTI, ang kautusang ito ay epektibo sa loob ng 60 araw, maliban na lamang kung mas maagang ipawalang-bisa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Gaya na lamang ng sitwasyon sa Aklan at Masbate kung saan epektibo ang price freeze simula September 26 hanggang November 25, 2025.

Hinimok naman ng DTI ang mga mamimili na i-report ang mga tindahan, distributor o manufacturer na nagbebenta ng mga pangunahing bilihin nang lampas sa umiiral na presyo, at itawag ito sa One-DTI (1-384) Hotline.

Samantala, isang buwang price freeze din ang itinakda para sa produktong petrolyo at 11-kg cylinder na LPG na epektibo hanggang October 26, 2025 sa probinsya ng Masbate.

Ayon din sa Department of Energy (DOE), ang dahilan pa rin nito ay ang epekto ng pagtama ng Bagyong Opong, kung saan bumabangon pa lamang ang ating mga kababayang pinadapa ng mga nagdaang bagyo.

Facebook Comments