2 CAGAYAN VALLEY MEDICAL CENTER EMPLOYEE, ARESTADO DAHIL SA IPINAGBABAWAL NA GAMOT

Cauayan City – Nakorner ng kapulisan ang limang indibidwal kabilang na ang dalawang nurse aide ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) sa magkakahiwalay na operasyon sa lalawigan ng Cagayan.

Unang naaresto ng mga awtoridad sa Brgy. Carig Sur, Tuguegarao City ang isang 31-anyos na lalaking kinilalang si alyas “Jay”, tubong Solana, Cagayan kung saan, una munang nagsagawa ng “test buying” ang mga awtoridad at nang magpositibo ito ay ipinagpatuloy ang pagkasa ng Anti-Illegal Drug Buy-Bust operation na nagresulta sa pagkakadakip nito.

Nakumpiska kay alyas “Jay” ang 4 na sachet na naglalaman ng Shabu na nagkakahalaga ng P20,400.


Maliban dito, sunod namang nagsilbi ng search warrant ang mga awtoridad sa tahanan ng isang suspek na kinilalang si Alyas JD, 42 anyos, itinuturing na High Value Individual kung saan positibong nakuha sa pag-iingat nito ang Shabu na nagkakahalaga ng P80,000, isang caliber 45 pistol, at mga bala.

Sa ginawang paghahalughog, naabutan din sa isang kwarto ang iba pang suspek na sila Alyas Jerry(Nurse Aide) alyas Josh (Construction Worker), at alyas Robin, pawang mga residente ng Gonzaga, Cagayan.

Dahil sa pagkakasangkot sa ilegal na droga, mahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga nadakip na suspek.

Facebook Comments