2 Chinese, arestado matapos dukutin ang kapwa nila Chinese sa Paranaque City

Nahuli ng mga tauhan ng Philippine National Police Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) ang dalawang Chinese na dumukot sa kapwa nila Chinese na sangkot rin sa loan shark syndicate sa ilang casino sa bansa.

Kinilala ni PNP-AKG Spokesperson Police Major Ronaldo Lumactod ang mga suspek na sina Jiang Zhenqiang, 35 taong gulang mula Jiangsu, China at Zhu Peijian, 35 taong gulang mula sa Guangdong, China.

Habang ang nailigtas na biktima ay kinilalang si Jiang Longgen, 32 taong gulang mula Sichuan, China.


Ayon kay Lomactod, naglalaro sa isang casino sa Paranaque ang biktima nang lapitan ng mga suspek para pautangin ng 1 milyong piso matapos na matalo ng aabot sa 1.7 milyong piso ngunit muli itong natalo sa sugal.

Nakapagbayad naman si Jiang ng 1 milyong piso ngunit humingi pa ng karagdagang 1 milyong piso ang mga suspek bilang tubo sa ipinautang sa biktima.

Tumanggi ang biktima na ibigay ang hinihingi ng mga suspek kaya naman sapilitan itong isinakay sa isang van.

Agad naman itinawag ng manager ng casino sa pulis ang insidente dahilan para maaresto ang mga suspek.

Sa ngayon nahaharap na sa kasong kidnapping at serious illegal detention ang mga Chinese na suspek na nasa kustodiya na ng PNP-AKG.

Facebook Comments