2 Chinese, arestado sa panggagahasa sa Pinay na kasambahay

Dalawang Chinese nationals ang dinakip ng pulisya matapos umanong salitang halayin ng mga ito ang kanilang 27-anyos na kasambahay.

Kapwa nakakulong ngayon sa Paranaque City Police detention facility ang mga suspek na sina Zhangqiu Cheng, 36, at Yongsheng Zhao, 20, parehong call center agent at naninirahan sa Baclaran.

Kinilala naman ang Pinay na biktima na si Analyn Tortal, residente ng Valenzuela City na stay-in kasambahay ng dalawang suspek.


Kuwento ng biktima, natutulog na siya nang umuwing lasing ang dalawang dayuhang suspek, bandang alas-3 ng madaling araw.

Puwersahang pinasok ng dalawa ang kanyang kwarto at saka siya halinhinang pinagsamantalahan.

Agad naman tumakas si Tortal at nagreklamo sa tanggapan ng Women’s and Children’s Protection Desk ng Paranaque City Police.



Nagkasa ng follow-up operation ang pulisya at hinuli ang mga suspek na nahaharap ngayon sa kasong rape.

Facebook Comments