Makati City – Nagpalabas ang Makati Business Permit and Licensing Office ng apprehension notices sa 2 Chinese food establishments sa Birch Townhomes, Barangay Palanan dahil sa pag-o-operate ng walang business permits.
Tinukoy ni Atty. Maribert Pagente, Makati BPLO head ang mga ito ay Chinese Kitchen at Qizixianglaxie Food, Inc.
Ayon kay Pagente, nito lamang July 1 ininspeksyon ng mga tauhan ng BPLO at dito nga nila natuklasang wala itong business permits.
Paliwanag ni Pagente, 3 araw ang ibinigay nilang palugit sa may-ari ng 2 Chinese restaurant upang humarap at magpaliwanag sa kanilang tanggapan.
Nabatid na noong isang buwan ipinasara ng BPLO ang isang Chinese food establishment na 6789 CWC Kitchenette dahil sa paglabag sa sanitation standards at pag-o-operate ng walang permit.
Sa datos ng BPLO magmula nitong Enero 55 establishments na ang kanilang naipasara dahil sa iba’t-ibang paglabag tulad ng violation sa Revenue Code, Sanitation Code of the Philippines at iba pang ordinansa.