2 Chinese nationals, arestado dahil sa pagbebenta ng mga hindi rehistradong gamot

Timbog sa buy-bust operation ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group – Detective and Special Operations Unit (CIDG-DSOU) ang dalawang Chinese nationals na sangkot sa pagbebenta ng mga hindi rehistradong gamot.

Kinilala ni Acting CIDG Director BGen. Nicolas Torre III ang mga suspek na sina alyas Hu at Quan, parehong residente ng Tambo, Parañaque City.

Isinagawa ang operasyon matapos makatanggap ng intelligence reports ang CIDG hinggil sa isang criminal group na sangkot sa distribusyon ng mga unregistered medicine sa iba’t ibang bahagi ng National Capital Region (NCR).


Nakumpiska mula sa mga suspek ang iba’t ibang gamot na may kabuuang halaga na P15,000 kabilang ang anti-diabetic medication at mga gamot para sa high blood pressure, na pawang hindi rehistrado sa Food and Drug Administration (FDA).

Nahaharap ngayon ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9711 o Food and Drug Administration Act of 2009.

Facebook Comments