2 Dalagita Patay, 1 Kritikal sa Hit and Run!

*Cauayan City, Isabela-* Patay ang dalawang dalagita habang kritikal naman ang isa pa matapos silang ma-hit and run sa kahabaan ng Almaguer North, Bambang, Nueva Vizcaya.

Kinilala ang mga biktimang nasawi na sina Joanna Rose Sagun, 13-anyos at Jamaica Hadjomar Adelia, 14-anyos mula Aliaga, Bambang, Nueva Vizcaya habang kinilala naman ang sugatang driver ng motor na inangkasan ng mga biktima na si Edgar Fragata, 21 anyos na taga Nagtipunan, Quirino.

Sa ipinarating na ulat ni P/Capt. Julia Mejia, OIC ng PNP Bambang, nang mag-overtake sa bandang kanan ng kalsada ang motorsiklo ay sumagi ito sa isang nakaparadang van.


Tumilapon sa gitna ng kalsada ang mga biktima hanggang sa mabunggo ng paparating na umano’y puting Elf Truck.

Napuruhan ang ulo ng dalawang dalagita na sanhi ng kanilang agarang pagkamatay habang nasa kritikal na kalagayan naman ang driver ng motorsiklo.

Narekober naman ng mga otoridad sa lugar ang basag na berdeng bahagi ng sasakyan at umapela na rin ang pulisya sa drayber ng nakabunggong sasakyan para panagutin sa naturang insidente.

Facebook Comments