Mayroong posibilidad na kasama sa mga masasampahan ng reklamo ang dalawang dating Pangulo noong panahong nilagdaan ang kontrata ng pamahalaan sa water concessionaires.
Matatandaan na nalagdaan ang kontrata noong 1997 noong panahon ng Ramos administration habang in-extend naman ito noong 2009 hanggang sa taong 2037 sa ilalim ng administrasyong Arroyo.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, kung mapapatunayang dawit ang mga ito sa consipiracy ay kabilang sila sa mga masasampahan ng reklamo lalo’t ang utos aniya ni Pangulong Rodrigo Duterte ay papanagutin ang lahat ng nasa likod ng pagbalangkas at pagapruba sa naturang kontrata.
Sa kasalukuyan, nagpapatuloy pa aniya ang Department of Justice sa pagaaral ng mga legal na paraan upang mapapanagot ang mga ito.
Wala pa rin aniyang petsa ang naitakda kung kailan pupulungin ng pangulo ang mga abugadong kumatawaan noon sa pamahalaan at mga water concessionaires.
Una na ring sinabi ni Pangulong Duterte na hindi siya makapaniwalang pinayagan ng dalawang administrasyon na i-bargain ang soberanya ng bansa.