
Timbog ang dalawang dating empleyado ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) matapos maaktuhang nagbebenta ng pekeng pera online.
Kinilala ang mga suspek na sina alyas Agila at Usa na inaresto ng mga tauhan ng Philippine National Police–Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) sa ikinasang entrapment operation.
Ayon kay PNP-ACG Director PBGen Bernard Yang, nagsimula ang imbestigasyon matapos ireklamo ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang talamak na bentahan ng counterfeit currency sa social media.
Sa isinagawang cyberpatrolling, nadiskubreng ibinebenta ng mga suspek ang bawat pekeng ₱1,000 bill sa halagang ₱150 lamang kung saan nasabat sa kanila ang nasa 150 piraso ng pekeng pera.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Revised Penal Code kaugnay sa pag-iingat at paggamit ng pekeng salapi, at sa Cybercrime Prevention Act.
Sinabi pa ni Yang na may hawak na silang lead sa mas malaking grupong nasa likod ng iligal na gawain.









