
Kinastigo ni Senator Imee Marcos si Energy Secretary Sharon Garin dahil sa ipinatupad na 2-days na pasok sa tanggapan at 50% ng mga opisyal at empleyado lang ang pisikal na pinapapasok sa ahensya.
Tinukoy ni Marcos na nakapaloob ito sa department order na inaprubahan ng kalihim taliwas sa memorandum circular na inilabas ng Malacañang na 4-day onsite work arrangement sa mga taga-gobyerno.
Tinawag ni Sen. Imee na “madness” o kabaliwan ang polisiyang ito ng Department of Energy (DOE) at sinabihan si Garin na tila wala silang sense of urgency sa krisis na kinakaharap ng bansa.
Pero, nanindigan si Garin na sa kabila ng work-from-home ng ilang mga empleyado at opisyal ay araw-araw silang nagtatrabaho at kahit weekend ay hindi sila tumitigil sa mga ipinapatawag na meeting at pag-monitor ng supply at presyo ng langis.
Katwiran pa ng DOE secretary, ginawa nilang 2-days ang pasok sa opisina para makatulong sa pagtitipid sa kuryente at katunayan mas mataas pa ang kanilang efficiency.










