2 doktor sa China, nagbago umano ang kulay ng balat matapos makarekober mula sa COVID-19

(BTV via Youtube)

Matapos makarekober sa coronavirus disease 2019 (COVID-19), bigla umanong nagbago ang kulay ng balat ng dalawang doktor sa China na nahawa habang naggagamot sa mga pasyente sa Wuhan.

Nasurian noong Enero 18 na mayroong COVID-19 sina Dr. Yi Fan at Dr. Hu Weifeng, parehong 42-anyos habang nasa Wuhan Central Hospital ayon sa ulat ng the UK Metro.

Unang idinala sa Wuhan Pulmonary Hospital ang dalawa saka umano inilipat ng dalawa pang beses base sa inilabas na report ng state broadcaster CCTV.


Saad ng Chinese state media, nagbago raw ang kulay ng balat ng dalawa dahil sa hormonal imbalance matapos umanong maapektuhan at mapinsala ang kanilang atay.

Sabi ng isang doktor, maaaring nangitim ang kanilang kulay dahil sa gamot na natanggap ng kanilang katawan sa unang bahagi ng gamutan.

Sumailalim si Yi, isang cardiologist sa ECMO (extracorporeal membrane oxygenation) life support machine sa loob ng 39 araw.

Ginagamit umano ang machine na ito kapag may mga operasyon sa puso.

Ani Yi, “When I first gained consciousness, especially after I got to know about my condition, I felt scared. I had nightmares often.”

Sa kabilang banda, si Hu naman na isang urologist ay naging bedridden sa loob ng 99 araw at nanatiling nanghihina matapos sumailalim sa ECMO therapy mula Pebrero 7 hanggang Marso 22 ayon sa kanyang physician na si Dr. Li Shusheng.

Nito lamang Abril 11 nang makapagsalita uli si Hu at ayon kay Li, inaasahang babalik sa normal nilang kulay ang dalawa sakaling umayos na ang lagay ng kanilang atay.

Samantala, parehong nakatrabaho ni Yi at Hu ang whistleblower na si Dr. Li Wenliang na nasawi rin sa coronavirus noong Pebrero 7.

Kasalukuyan namang makatatanggap ng mental health support ang dalawa dahil sa naging resulta ng kanilang traumatikong karanasan.

Facebook Comments