Gagamitin ng militar ang dalawang EDCA sites bilang staging areas para sa pagsasagawa ng search and rescue operations sa apat na nawawalang indibidwal sa Tubbataha, Palawan.
Ayon sa Armed Forces of the Philippines, ang dalawa nilang air assets na nakaposisyon sa Antonio Bautista Air Base sa Puerto Princesa, Palawan at Benito Ebuen Air Base sa Mactan, Cebu ang siyang gagamitin sa naturang operasyon.
Ang apat na nawawala ay mula sa Dive Yacht MY Dream Keeper na lumubog sa Tubbataha noong Linggo na kinabibilangan ng Dive Master, yacht owner at dalawang pasahero.
Una nang nag-deploy ang AFP Western Command (WESCOM) ng Philippine Navy vessel BRP Carlos Albert (PC-375) para tumulong sa paghahanap.
Naghahanap na rin ang dalawang aluminum boats ng Tubbataha Reef National Park katuwang ang iba pang dive boats.
Samantala, pinalilipad na rin ng Philippine Air Force ang kanilang Sokol helicopter at ang Philippine Navy helicopter.
Sa ngayon, 28 indibidwal na lulan ng yate ang nailigtas.