Cauayan City, Isabela- Sinampahan na sa piskalya ng kasong paglabag sa RA 11332 o ‘Bayanihan to Heal As One Act’ ang isang (1) miyembro ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng bayan ng San Mariano at ilan pang indibidwal matapos mag viral ang larawan na umiinom ng alak sa kabila ng umiiral na liquor ban sa Isabela.
Sa panayam ng iFM Cauayan kay PSSG. Rogelio Ignacio Jr. ng PNP San Mariano at imbestigador sa kaso, aminado ang mga kalalakihan na may paglabag sila sa pagbabawal sa social gathering at hindi pagsusuot ng face mask.
Giit ni Ignacio, nagbayad na ang mga ito ng kaukulang multa na P2,000 bawat isa bilang parusa sa paglabag sa liquor ban.
Batay sa ginagawang pakikipag-ugnayan ng pulisya sa mga suspek, labis ang pagsisisi sa kanilang nagawa habang mahigpit na ipinapatupad ang health protocol para makaiwas sa banta ng COVID-19.
Maliban sa kasong kriminal, maaaring kaharapin din ng dalawang empleyado ng LGU ang kasong administratibo na ngayon ay kasalukuyan ng iniimbestigahan ng legal department ng LGU San Mariano.
Ayon kay Mayor Edgar Go, hindi nito kukunsintihin ang sinumang empleyado na lalabag sa mga panuntunan umiiral ngayong panahon ng pandemya kaya’t agad nitong pinaimbestigahan ang naturang insidente.