2 Empleyado ng Shipping Company, Arestado sa kanilang Modus!

Cauayan City, Isabela- Hindi na nakalusot sa kanilang modus operandi ang dalawang empleyado ng isang shipping Company matapos mabisto ng kanilang ka-trabaho.

Sa nakalap na impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan, kinilala ang dalawang delivery boy na sina Mark Cezar Palapuz, 20 anyos, residente ng San Antonio, Burgos, Isabela at Michael Magno, 27 anyos, residente ng Minante 1, Cauayan City, Isabela.

Ayon sa receiving officer ng shipping Company na si Arvin De Guzman, ibinalik umano ng dalawang suspek ang hindi nila naideliver na dalawang padala subalit nagtaka umano si De Guzman dahil nagalaw ang sealed ng mga ito.


Nang buksan ni De Guzman ang ibinalik ng mga suspek ay bumulaga sa kanya ang isang detergent bar na sabon at dalawang bato na dapat ang laman ay cellphone na nagkakahalaga ng P10,000.00 habang ang isang padala na naglalaman sana ng isa pang unit ng cellphone ay napalitan ng lumang cellphone.

Agad na tumawag sa himpilan ng pulisya ang receiving officer matapos na matuklasan ang modus operandi ng dalawang suspek na nagresulta sa kanilang pagkakaaresto.

Ipinasakamay naman sa manager ng kumpanya ang mga pinalitan at kinuhang item ng dalawang suspek.

Inaalam pa ng kumpanya kung mayroon pang nabiktima ang mga suspek at kung matagal nang ginagawa ang kanilang modus.

Hinihintay na lamang ang desisyon ng kumpanya kung tutuluyang sampahan ng kasong Qualified theft ang dalawang suspek.

Facebook Comments