2 Estudyante na Tumulong sa mga Naaksidente, Patay Matapos Mabundol ng Sasakyan

Cauayan City, Isabela- Tuluyang namatay ang dalawang (2) estudyante matapos mabundol ng humaharurot na sasakyan habang sila’y tumutulong sa nangyaring aksidente sa pambansang lansangan ng Barangay Dagupan, Lal-lo, Cagayan.

Kinilala ang mga biktima na sina Jomer Taniedo, 19 taong gulang, college student, at Alden Hidalgo, 20 taong gulang, grade 12 student at kapwa residente ng nasabing barangay.

Una rito, mayroong nangyaring salpukan ng motorsiklo sa naturang lugar na nirespondehan ng Medical Rescue Team ng Buguey at PNP Lal-lo.


Ayon kay Police Executive Master Sergeant Gerardo P Conde Jr., tumulong sa pagresponde sa mga sugatan ang dalawang biktima at makalipas ang ilang sandali ay isang mabilis na Isuzu Forward ang paparating hanggang sa nahagip at nabangga ang dalawang biktima na sanhi ng kanilang agarang kamatayan.

Ayon sa suspek at drayber ng sasakyan na si Elmer Septino Taguba, 43 taong gulang, residente ng Barangay Casitan, Gonzaga, Cagayan, nawalan umano ito ng preno kaya’t tuluyang nasalpok ang mga biktima subalit nang subukan umano ito ng mga pulis ay maayos naman ang preno.

Dinakip ang suspek at dinala sa himpilan ng pulisya maging ang minanehong sasakyan para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.

Mahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting (RIR) in Double Homicide ang suspek.

Facebook Comments