
Arestado ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) – Southern Metro Manila District Field Unit ang dalawang foreign nationals sa isinagawang gun buy-bust operation sa isang restaurant sa kahabaan ng J.W. Diokno Blvd., Pasay City.
Nag-ugat ang nasabing operasyon mula sa intelligence report na may isang foreign national na kilala sa alyas na “Lucy” ang umano’y nagbebenta ng mga hindi rehistradong baril sa southern part ng Metro Manila.
Dahil dito, nagsagawa ng entrapment operation ang mga awtoridad na nagresulta sa pagkakaaresto sa isang 39-anyos na Chinese national at isang 33-anyos na Taiwanese national.
Nakuha sa kanila ang isang 9mm revolver, tatlong piraso ng live 9mm ammunition, markadong buy-bust money, dalawang cellphone, at isang pouch bag.
Dinala ang mga naarestong foreign nationals sa tanggapan ng CIDG para sa tamang dokumentasyon at disposisyon.










