2 grupo ng transportasyon, walang planong lumahok sa isang linggong tigil pasada sa Lunes

Hindi sasali sa ikinakasang isang linggong tigil pasada ang Liga ng Transportasyon at Operators (LTOP) sa Pilipinas at UV Express Operators.

Ayon kay Exequiel Longares, national president ng UV Express, hindi sila kinonsulta ng grupong Manibela tungkol sa isang linggo na transport strike.

Hindi rin sila sang-ayon sa tigil pasada dahil ang publiko at ekonomiya ng bansa ang maaapektuhan nito.


Ngayong hapon, tumugon ang grupong LTOP at UV Express sa paanyaya ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na dumalo sa dayalogo para pag-usapan ang hinaing ng mga tsuper.

Nais muna nilang pakinggan ang LTFRB sa ilalatag nitong plano para sa usapin ng jeepney phaseout.

Bukod dito, hindi rin humingi ng konsultasyon ang Manibela sa iba pang transport group kaugnay sa tigil pasada.

Nananawagan si Longares sa iba pang transport group na pakinggan muna ang ilalatag na plano ng LTFRB at huwag hayaan na maghari ang bugso ng damdamin at pansariling interes.

Facebook Comments