2 hanggang 4 na HPG personnel, itatalaga sa bawat checkpoint sa buong bansa

Magde-deploy ng dalawa hanggang apat na tauhan ang Highway Patrol Group (HPG) ng Philippine National Police (PNP) sa bawat local checkpoint sa bansa.

Ayon kay HPG spokesperson Lt. Nadame Malang, manggagaling ang mga karagdagang personnel mula sa 86 Provincial Highway Patrol Group bilang tugon sa utos ni PNP Chief Gen. Rommel Marbil.

Ang hakbang na ito ay kasunod ng isang insidente ng road rage sa Antipolo City, kung saan may dalang baril ang suspek na ikinamatay ng isang biktima at ikinasugat ng tatlong iba pa.

Binigyang-diin ni Malang na mananatili ang pagpapatupad ng plain view doctrine sa mga checkpoint, anuman ang uri ng sasakyan—motor man o four wheel vehicle.

Facebook Comments