Nanatiling walang malay ang dalawa sa mga heneral na kasama ni Philippine National Police (PNP) Chief General Archie Gamboa sa bumagsak na chopper kaninang umaga sa San Pedro, Laguna.
Ito ang kinumpirma ni PNP Deputy Chief for Administration Lieutenant General Camilo Cascolan.
Ang dalawang heneral na nanatiling unconscious ay sina PNP Director for Comptrollership Major General Jovic Ramos at Director for Intelligence Major General Mariel Magaway.
Aniya, si General Magaway ay nagtamo ng head injury kaya wala pa rin itong malay.
Nanatili sila ngayon sa Unihealth Medical Center sa Southwoods at patuloy na inoobserbahan.
Habang sina PNP Chief at PNP Spokesperson Brigadier General Bernard Banac ay nagtamo lamang ng minor injuries.
Sinabi ng source sa DZXL RMN bago pa man bumagsak ang chopper sa laperal compound ng San Pedro, Laguna ay nakahanda na si Brigadier General Banac kaya minor injuries lang ang tinamo nito.
Ang mga heneral ay sakay ng 8-seater bell chopper na tumungo sa Laguna para sana sa activity ng PNP Highway Patrol Group.
Samantala, dahil sa helicopter crash si Police Major General Benigno Durana ang pansamantalang magiging spokesperson.