Mas hinigpitan na ng MRT-3 Management ang seguridad sa buong MRT-3 lines kasunod ng insidente ng pagnanakaw sa Shaw Boulevard Station at Boni Station sa Mandaluyong City.
Ayon kay MRT-3 Director for Operations Michael Capati, dalawang lalaki ang nahuli kahapon ng mga security personnel na nagnakaw ng 10-meter long grounding cable sa riles ng MRT sa nasabing station.
Bago pa man makatakas sina Allan Garcia, 38-anyos ng Mandaluyong City at Jose Llaneta, 43-anyos ng Caloocan City, bitbit ang mga ninakaw na pinagputol-putol na electric cable.
Nakumpiska din sa kanila ang mga pliers, hacksaw, wood saw, cutter at iba pa na ginamit sa pagputol sa grounding cable na nakapaloob sa isang sako.
Ang mga cable ang siyang nagsisilbing proteksyon ng tren mula sa electrical shocks.
Paglilinaw ng pamunuan ng MRT-3, hindi naman ito nakaapekto sa operasyon ng signaling system at overhead catenary system power ng MRT-3.
Tiniyak pa nito sa publiko na itutuloy nila ang pagsasampa sa mga suspek na kasalukuyang nakakulong na sa Mandaluyong Police Station.