2 huli sa pagsasanla ng gov’t housing unit

Inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) ang dalawang tao dahil sa pagsasanla ng mga government housing unit.

Kinilala ang suspek na umano’y broker na si Cristina Gonzales at kaniyang kasamahan.

Ayon sa NBI, pinapirma ang biktima ng kasunduan na isasangla sa kaniya ang isang bahay at lupa sa Antipolo sa halagang P100,000 kapalit ng P5,000 interes kada buwan.


Pero natuklasan ng biktima na peke ang mga hawak na papeles ng mga suspek na nagsasabing sila ang broker at may-ari ng isinasanglang property na isang government housing.

Inamin naman ng mga suspek ang modus at sinabing hindi lalagpas sa 20 ang kanilang mga nabiktima.

Naniniwala naman ang NBI na sadyang pinili ng mga suspek na ialok ang government housing dahil mas mahirap itong iberipika sa mga ahensiya, hindi gaya ng mga tituladong lupa sa Land Registration Authority o LRA.

Nahaharap sa kasong estafa at falsification of public documents ang mga suspek.

Facebook Comments