
Pinagtibay sa plenaryo ng Kamara ang pagbasura ng House Committee on Justice sa dalawang impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. dahil sa kawalan o kakulangan ng substance.
284 na mga kongresista ang bumoto pabor sa committee report at resolusyon ng komite na nagbabasura sa mga reklamong impeachment laban sa pangulo, walo ang kumontra at apat ang nag-abstain o hindi lumahok sa botohan.
Sa sponsorship speech ay binigyang diin ni Committee Chairperson at Batangas Representative Jerville Luistro na ang pagbasura sa impeachment complaint laban kay PBBM ay nakasandig sa constitutional standards, Supreme Court rulings, at Rules on Impeachment ng Kamara.
Bago magbotohan ay hinikayat ni Luistro ang mga kasamahang mambabatas na pakinggan ang konsensya at isipin natin ang kapakanan ng bawat Pilipino.
Ayon kay Luistro, tungkulin nilang mga mambabatas na timbangin kung ang mga akusasyong laban sa pangulo ay may katotohanan o sadyang mapanira lamang.
Ang unang impeachment complaint ay inihain ni Atty. Andre De Jesus at inendorso ni Pusong Pinoy Party-list Representative Jernie Jett Nisay.
Ang ikalawang impeachment complaint naman ay inihain ni Liza Masa ng Makabayan Coalition at inendorso nina Representatives Antonio Tinio, Sarah Elago at Renee Co ng Makabayan Bloc.










