2 independent contractor ng GMA Network, pinadalhan na ng subpoena ng NBI

Kinumpirma ni National Bureau of Investigation o NBI Dir. Judge Jaime Santiago na pinadalhan na ng subpoena ang dalawang independent contractor ng GMA Network na inaakusahan ng sexual harassment ng isang aktor.

Sa ambush interview ng media sa tanggapan ng NBI, sinabi ni Dir. Santiago na hihintayin pa nila ang statement ng dalawang inirereklamo saka titimbangin ng ahensya kung may mga sapat na batayan sa pagsasampa ng kaso.

Matatandaang sa inilabas na official statement ng pamunuan ng GMA Network ay una na ring pinangalanan ang dalawa na sina Jojo Nones at Richard Cruz.


Giit ng GMA-7, kinikilala nila ang seryosong alegasyon kaya’t bago pa matanggap ang pormal na reklamo ay nagsagawa na sila ng sariling imbestigasyon.

Tinitiyak din ng pamunuan ng GMA ang isang patas na imbestigasyon.

Dahil dito ay pansamantalang sinuspinde ng TV network ang dalawa habang gumugulong ang imbestigasyon.

Una nang nagpatawag si Senator Robinhood Padilla ng imbestigasyon ng Senado tungkol sa insidente.

Ayon kay Sen. Padilla na siyang Chairperson ng Senate Committee on Public Information and Mass Media, kailangang magkaroon ng linaw ang nabanggit na alegasyon at dapat ay malaman ito ng publiko.

Facebook Comments