2 independent contractors ng TV network, mariing itinatanggi sa Senado ang akusasyon ng sexual harassment sa aktor na si Sandro Muhlach

Humarap na sa pagdinig ng Senado ang dalawang independent contractors ng GMA na inirereklamo ng sexual harassment ng aktor na si Sandro Muhlach, ang anak ng sikat na aktor na si Niño Muhlach.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Information and Mass Media na pinamumunuan ni Senator Robin Padilla, tahasang itinatanggi nina Richard Cruz at Jojo Nones ang akusasyon sa kanila ni Sandro na sexual harassment.

Ayon kay Cruz, tumagal sila sa telebisyon ng halos 30 taon at bilang independent contractors ng isang malaking TV network ay batid nila na kaunting pagkakamali lang ay maaaring ma-terminate ang kanilang kontrata at mawalan ng trabaho.


Aniya pa, maganda rin ang takbo ng kanilang karera, malinis ang kanilang reputasyon at sa tinagal nila sa industriya ay wala silang naging record o reklamo ng sexual harassment at iba pang kaso kaya hindi nila sisirain ang kanilang iniingatan na pangalan.

Sinabi naman ni Nones na sa kabila ng kanilang pagiging bakla ay hindi aniya sila abusers at higit sa lahat ay may takot sila sa Diyos.

Gayunman, naunang inihayag ni Niño Muhlach na nakipagkita sina Cruz at Nones sa kanya sa bahay ni GMA Senior Vice President for Programming, Talent Management, Legal and Human Resources Development Atty. Annette Gozon kung saan humingi ng patawad sa kanya ang dalawang independent contractors sa nagawa dahil inakala nilang okay lang.

Kinukwestyon naman ni Senator Jinggoy Estrada na kung tahasan nilang itinatanggi ang alegasyon na inabuso nila si Sandro bakit aniya hihingi ng paumanhin sina Cruz at Nones kung wala silang ginawang masama sa batang aktor.

Sa huli ay isinailalim na sa executive session ang pagdinig dahil sa ilang sensitibong usapin ng kaso.

Facebook Comments