Iniimbestigahan na ngayon ng Philippine Military Academy (PMA) ang bidyong kumakalat na nagsasagawa ng hazing sa loob ng naturang akademya.
Sa viral video, makikitang tumatalon-talon habang nakaupo ang dalawang plebo na kinukuhanan ng isang upperclassmen na nakasuot ng PMA jacket.
Nang bumagsak ang isang plebo, sinipa siya ng isa pang upperclassmen na nasa gilid ng pintuan.
Habang tinatadyakan at sinasampal ang mag-aaral, mapapansing tumatawa lamang ang lalaking kumukuha ng video.
Panandaliang nahinto ang pangmamaltrato nang may sumilip na kadete sa loob ng kuwarto.
Sa isa pang viral footage, mapapanood na pinaliyad ang isang plebo at biglang tinukuran sa likod.
Ilang sandali pa, pinatayo siya at hinampas ng helmet ang kamay niya.
May kadete din na inutusang sumabit sa pintuan ng aparador at biglang sinikmuraan.
Ayon sa pamunuan, kumpirmadong estudyante ng akademya ang nakitang nananakit at sinasaktan. Nangyari umano ang dalawang insidente ng hazing noong 2017 at 2018.
Pinangunahan ni Commandant of Cadets Brig. Gen. Romeo Brawner ang pagsisiyasat sa mga kadeteng sangkot.
Samantala, sisimulan ng Baguio City Police ang sariling imbestigasyon kapag may nagsampa ng reklamo sa mga estudyanteng nasulyapan sa video.