2 Insidente ng Pamamaril, Naitala sa Baggao, Cagayan; Isa sa Suspek, Arestado

26

Cauayan City, Isabela- Dalawang magkahiwalay na insidente ng pamamaril ang naitala sa bayan ng Baggao sa Lalawigan ng Cagayan.

Sa magkasunod na insidente ng pamamaril, nahuli ang isa sa dalawang suspek na kinilalang si Learni Macasiray habang ang biktima nito ay si Jose Gener Narag, parehong magsasaka at residente ng Zone 5, Barangay C Verzosa, Baggao, Cagayan.

Naganap ang insidente bandang alas 6:45 ng gabi nitong Biyernes, September 10, 2021 kung saan nasa impluwensiya umano ng alak ang suspek habang nakikipagtalo sa magulang na dahilan ng paghingi nito ng tulong sa biktima upang awatin ang suspek na kalauna’y umuwi rin sa kanilang bahay.


Habang naglalakad ang biktima pauwi rin sa kanyang bahay, biglang sumulpot ang suspek at basta na lamang binaril sa kanang balikat ang biktima gamit ang Caliber 22 rifle.

Agad namang isinugod sa ospital ang biktima at nilapatan ng paunang lunas.

Mahaharap naman sa kasong Frustrated Murder si Macasiray na kasalukuyang nasa kustodiya ng Baggao Police Station.



Samantala, pinaghahanap ngayon ng mga awtoridad ang isa pang suspek sa pamamaril na naganap sa Barangay Asinga-via, Baggao, Cagayan.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, umuwi ang biktima sa kanyang bahay kasama ang isang Jojo Cabaro upang tingnan at masigurong ligtas ang kanilang bahay sa banta ng Bagyong Kiko at nang sila ay paalis, biglang binaril ng di pa nakikilalang suspek ang likod ng biktima.


Agad umanong tumakas ang salarin na nakasuot ng kapote at mask matapos ang pamamaril.

Dinala naman ang biktima sa Baggao District Hospital ngunit kalauna’y inilipat sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) sa Tuguegarao City para sa kaukulang lunas.

Facebook Comments