Tuesday, January 27, 2026

2 Iranian National na tumangay sa cash ng tindero ng isda at gulay, nakorner ng Caloocan PNP

Hawak na ng mga otoridad ang dalawang Iranian national na tumangay sa cash ng tindero ng isda at gulay.

Nakorner ng mga operatiba ng Sta Quiteria Police Sub-Station sa follow-up operation ang mga suspek sa bahagi ng Baesa sa naturang lungsod.

Base sa imbestigasyon, nilapitan ng isa sa dayuhan ang 35-anyos na vendor na abala sa pagtitinda sa Reparo Road, Brgy. 161 at nagtanong sa wikang Ingles ng tungkol sa salapi ng bansa.

Ipinakita naman ng biktima ang salapi sa loob ng bag at hinayaan pang kunin ng suspek ang kanyang bag pero nang ibalik ay wala na ang P7,000 kaya’t hinabol niya ang patakas ng dayuhan.

Nabigong abutan ang suspek nang sumakay sa naghihintay na sasakyang minamaneho ng kasabwat kaya’t humingi ng tulong ang vendor sa Sta Quiteria Police Sub-Station.

Agad nagsagawa ng follow-up operation ang naturang himpilan ng pulisya na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek.

Nabawi sa 50-anyos na Iranian ang tinangay na pera ng biktima na kabilang sa nakumpiskang iba’t ibang uri ng lokal at dayuhang salapi habang na-impound din ang ginamit nilang sasakyan sa pagtakas na minaneho ng 25-anyos niyang kababayan.

Facebook Comments