Nasa kustodiya na ngayon at iniimbestigahan ng Bureau of Customs (BOC) ang dalawang Japanese national matapos na makumpiska sa mga ito ang aabot sa ¥100,000,000 o katumbas ng mahigit ₱44 milyon sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2.
Ayon kay Customs spokesperson at assistant commissioner Atty. Vincent Philip Maronilla, nangyari ang pag-aresto sa mga dayuhan kagabi matapos dumating sa NAIA Terminal 2.
Kinilala ang mga suspek na sina Yuzuru Marumo at Masayuki Aoyagi na galing ng Narita, Japan.
Nabatid na nadiskubre ang mga pera matapos ang pagsisiyasat sa x-ray kung saan nakita ito sa maleta at bag ng mga nasabing Japanese nationals.
Paliwanag ni Maronilla, naitimbre na sa kanila ng interpol ang mga dayugan bago pa man dumating ang mga ito sa bansa.
Tinangka pa raw ng Customs police na pakiusapan ang mga pasaherong dayuhan na ideklara ng mga ito ang kanilang dalang halaga pero tumanggi umano ang mga ito at sinabing wala silang dapat ideklara.
Napag-alaman pa na may anim na mga nakasibilyan ang nagpakilalang mga miyembro ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na nagtangkang sumundo sa dalawang Japanese national habang sila ay nasa driveway na ng arrival area ng NAIA-Terminal 2.
Umabot pa sa puntong magpasaklolo ang mga tauhan ng Customs police sa mga tauhan ng Airport Police Department, Pasay Police Station 8 at ng Philippine National Police-Aviation Security Group.