2 kabataan arestado dahil sa ilegal na pag aalok ng DIY dental braces online

Timbog ang dalawang kabataang babae sa magkahiwalay na entrapment operation ng PNP-Anti Cybercrime Group matapos matuklasang nag-aalok sila ng Do-it-Yourself dental braces sa social media, sa halagang ₱1,500.

Sa Iligan City, inaresto ng Lanao del Norte Provincial Cyber Response Team ang 21-anyos na nursing student na si alyas “Shaira.”

Aminado si Shaira na wala siyang sapat na kaalaman o lisensiya upang magsagawa ng dental procedures at ginagawa lamang niya ito bilang sideline upang makabayad sa matrikula.
Isang second-year nursing student si Shaira at natutunan lamang umano niya ang paggawa ng braces sa social media.

Samanatala, arestado naman sa Upper Calarian, Zamboanga City, ang 17-anyos na si alyas “Jen,” isang Grade 10 student, dahil sa parehong modus.

Batay sa imbestigasyon, apat na taon nang isinasagawa ni “Jen” ang iligal na gawain, nagsimula sa Jolo, Sulu bago lumipat sa Zamboanga City.

Natutunan niya ang paggawa ng braces mula sa kaniyang tiyahin na sangkot din sa parehong aktibidad.

Nahaharap na ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9484 o Philippine Dental Act of 2007 in relation to RA 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.

Facebook Comments