Dalawang kabataan ang nasugatan matapos ang banggaan ng isang tricycle at motorsiklo sa Mapandan, Pangasinan, madaling-araw ng Disyembre 1.
Batay sa CCTV, lumiliko pakaliwa ang tricycle mula sa isang gasolinahan nang mabundol ito ng paparating na motorsiklo na minamaneho ng isang 18-anyos na lalaki, angkas ang lalaking 13-anyos.
Kapwa walang suot na helmet at walang lisensya ang driver at ang backride nito.
Dahil sa lakas ng banggaan, nagtamo ng pinsala sa katawan ang dalawang nakasakay sa motorsiklo at agad na isinugod sa ospital.
Hindi naman nasaktan ang drayber ng tricycle.
Ayon sa pulisya, ilang kabataan na sa Mapandan ang nasasangkot sa mga aksidente sa kalsada.
Bunsod nito, muling ipinaalala ng mga awtoridad ang pagbabawal sa pagmamaneho nang walang helmet, walang reflectorized vest, at lalo na sa ilalim ng impluwensya ng alak.









