2 kabilang ang menor de edad, arestado matapos mahulihan ng iligal na droga sa Oplan Sita sa Makati City

Manila, Philippines – Kalaboso ang dalawang lalaki kabilang na ang isang menor de edad matapos masamsaman ng illegal na droga sa Maya St. Brgy. Rizal Makati City.

Nagsasagawa ng Oplan Sita ang mga pulis ng PCP 10 nang sitahin ang rider na si Jovito Talledo, 22yo, at ang angkas niya 17-taong-gulang na carwash boy dahil walang suot na helmet.

Napansin na tila may kinakapa sa bulsa ang menor de edad kaya kinapkapan ito ng mga pulis.


Dito na nakita ang isang plastic na naglalaman ng hinihinalang shabu.

Depensa ni Talledo, hindi niya alam na may dalang shabu ang menor de edad at napag-utusan lang sila na magdala ng pagkain.

Inamin naman ng menor de edad, inutusan sila ng isang alias Ong na kunin ang illegal na droga sa lalaking pinagbigyan nila ng pagkain.

Kapag aniya nakuha nila ang illegal na droga ay bibigyan sila ng P100 ni alias Ong.

Aminado rin ang menor de edad na gumagamit siya ng shabu.

Ituturn-over ang menor de edad sa Makati Social Welfare Department habang si Talledo naman ay mahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Facebook Comments