2 kadete na sangkot sa pag-uutos sa 2 plebo na gumawa ng kahalayan, mga anak ng matataas na opisyal ng PNP at BJMP – PNPA

Manila, Philippines – Kinumpirma ng isang opisyal ng Philippine National Police Academy (PNPA) na mga anak ng mataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang dalawa sa tatlong kadete na nagpagawa umano ng kahalayan sa dalawang plebo nito.

Gayunman, tiniyak ni Police Superintendent Basman Macarangal, hepe ng intelligence and investigation division ng PNPA na hindi maiimpluwensyahan nino man ang imbestigasyon laban sa tatlong kadete.

Ayon kay Macarangal, mayroon silang 60 araw bago makapagpalabas ng desisyon sa naturang kaso.


Aniya, pinakamabigat na parusa na kakaharapin ng tatlo ay ang pagpapatalsik sa PNPA.

Hindi na rin aniya maaaring mag-apply muli sa academy ang mga ito kung mapapatunayang may administrative violation at madi-dismiss ang mga sangkot sa insidente.

Sabi ni Macarangal, sa kasalukuyan ay tuloy pa rin ang tatlo sa training at pag-aaral sa PNPA hangga’t hindi pa sila nahahatulan.

Pero hinigpitan na ang kilos at galaw ng mga ito at pinagbawalan na makipag-usap sa sinomang kadete.

Facebook Comments