2 kampo ng BIFF, nasakop na ng militar

107

Nakubkob ng militar ang dalawang kampo ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF-Karialan faction) sa Maguindanao del Sur.

Ayon kay 601st Brigade Commander Colonel Oriel Pangcog, nasakop nila ang dalawang lungga ng BIFF sa Sitio Pedtad, Barangay Pagatin at Sitio Talitay, Barangay Inaladan sa Shariff Saydona Mustapha, Maguindanao.

Sinabi pa ni Pangcog na nagsipulasan ang mga terorista na sinasabing pinamumunuan nina Kumander Yusa Ganoy, Abdulkarim Lumbatan Hashim alyas Boy Jacket, Ben Harris, Emarudin Kulaw at alyas Alpha King nang matunugan ang pagdating ng mga myembro ng Joint Task Force Central sa kanilang mga kampo matapos ang ilang oras na bakbakan.


Ani Pangcog posibleng may nasugatan o nasawi sa panig ng BIFF dahil sa mga patak ng dugo na nakita sa kampo ng mga ito.

Samantala, nadiskubre rin ng tropa ng militar ang ilang materyales sa paggawa ng bomba sa mga nakubkob nilang lungga ng mga rebelde.

Facebook Comments