
Nakapagtala ang Philippine National Police (PNP) ng dalawang kaso ng profiteering at hoarding ng produktong petrolyo kasunod ng maigting na pagbabantay nito sa buong bansa.
Sa inilabas na monitoring ng PNP, inireklamo ang isang gas station sa Brgy. Quezon, Solano, Nueva Vizcaya matapos magbenta ng mas mataas na presyo ng langis kumpara sa mga karatig na lugar.
Samantala, nasa 34 na container na naglalaman ng humigit-kumulang 680 litro ng produktong petrolyo ang nasamsam ng mga tauhan ng PNP matapos ang isinagawang checkpoint operation sa Brgy. Garden, Arteche, Eastern Samar.
Walang maipakitang kaukulang permit o supporting documents ang driver para sa pagbibiyahe ng nasabing produkto.
Dahil dito, nahaharap siya sa kasong paglabag sa Batas Pambansa Blg. 33 o Illegal Hoarding of Petroleum Products.
Nabatid na nakasalalay sa Department of Energy (DOE) ang pagsasampa ng kaso laban sa mga mapapatunayang lumalabag, habang ang PNP naman ang nagsisilbing tagapagtala at taga-monitor ng mga nasabing insidente.










