2 katao, nawawala habang isa, sugatan sa hagupit ng Bagyong Ambo sa Eastern Samar

Nasa dalawang tao na ang naiulat na nawawala matapos mag-landfall ang Bagyong Ambo sa bayan ng San Policarpio, Eastern Samar kahapon ng tanghali.

Ang mga naiulat na nawawala ay mula sa Island Village ng Tubabao, sa bayan ng Oras.

Isa naman ang naiulat na nasugatan matapos tamaan ng flying debris sa bayan ng Can-avid.


Ayon kay Eastern Samar Governor Ben Evardone, ang buong probinsya ay walang kuryente, habang may napinsala na ring imprastraktura, partikular sa Barangay Tubabao, Oras at ang municipal gymnasium ng Maslog.

Nasa limang bayan naman ang naputol ang linya ng komunikasyon, partikular ang mga bayan ng Dolores, Oras, San Policarpio, Arteche, at Jipadpad.

Sinuspinde na ni Gov. Evardone ang pasok sa pribado at pampublikong opisina sa buong lalawigan, maliban sa mga frontliner at emergency team personnel.

Ang lahat ng Local Government Units (LGU) ay inatasan nang magpatupad ng force evacuations, lalo na sa hazard-prone areas.

Aminado ang gobernador na nahihirapan silang ipatupad ang social distancing sa ilang pamilyang lumikas at nasa evacuation centers lalo na sa mga bayan ng Arteche, Taft, at San Policarpio.

Facebook Comments