Cauayan City, Isabela- Binawian ng buhay ang dalawang sakay ng motorsiklo matapos maaksidente sa magkahiwalay na lugar sa Lalawigan ng Isabela.
Sa ibinahaging impormasyon ng Isabela Police Provincial Office (IPPO), agad na namatay ang isang negosyante na kinilalang si Roderick De Guzman, 32 taong gulang, residente ng brgy. Babanuang, San Manuel, Isabela matapos sumalpok ang minamanehong motorsiklo sa nakaparadang truck sa kahabaan ng Brgy. Babanuang, San Manuel na minamaneho naman ni Mark Ian Ignacio, 35 taong gulang at residente ng Brgy. Cebu, San Isidro, Isabela.
Sa imbestigasyon ng San Manuel Police Station, ipinarada ng drayber sa pambansang lansangan ang minamanehong Forward truck upang palitan ang tire nito at naglagay ng warning device sa pinaghintuan.
Subalit parating ang motorsiklo na sakay ng biktima at biglang sumalpok sa likurang bahagi ng truck.
Pumailalim sa truck ang motorsiklo ng biktima at nagtamo naman ito ng malalang pinsala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan na sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.
Bukod dito, patay rin ang isang lalaki matapos sumalpok ang minamanehong morosiklo sa kasalubong din na motor sa kahabaan ng Cabisera 19, Brgy. San Antonio, City of Ilagan, Isabela.
Kinilala ang biktima at drayber ng Honda TMX 125 na si Angelo Siobal, nasa wastong gulang at residente ng Cabisera 17-21, Brgy. San Antonio sa Lungsod ng Ilagan.
Una rito, bumabaybay ang biktima sa lansangan at nang makarating sa pinangyarihan ng insidente ay umagaw ito ng linya sa kasalubong na motorsiklo na minamaneho naman ni Laymar Juan, nasa wastong gulang at residente ng Cabisera 3 ng parehong barangay.
Nagpang-abot ang dalawang motorsiklo at tumilapon sa kalsada ang mga sakay na drayber.
Nasawi si Siobal dahil sa tindi ng mga natamong pinsala sa ulo at katawan habang dinala sa pagamutan si Juan para mabigyan ng kaukulang lunas.
Parehong dinala sa himpilan ng pulisya ang dalawang sangkot na motorsiklo para sa tamang disposisyon.