2 Katao, Patay sa Salpukan ng Bus at Kotse!

*Echague, Isabela- *Patay ang dalawang lalaki na lulan ng kotse matapos mabangga ng bus pasado alas nuebe kagabi sa pambansang lansangan ng Brgy. Maligaya, Echague, Isabela.

Kinilala ang dalawang biktima na sina Dominic Feliciano, 44 anyos, residente ng Brgy. Maligaya, Echague, Isabela at nagngangalang Aljon Ocampo.

Batay sa inisyal na report na nakuha ng 98.5 iFM Cauayan, habang binabaybay ng mga biktima ang lansangan lulan ang Mitsubishi Lancer na may plakang TJB 168 na minamaneho ni Feliciano ay aksidenteng nabangga ito ng kasalubong na Victory bus na patungong Metro Manila at may plakang AAU 7320 na minamaneho naman ng suspek na si Herman Gumban, 41 anyos, residente naman ng Brgy. Macate, Bambang, Nueva Vizcaya.


Sa tindi ng banggaan ay nagtamo ng malalalim na sugat sa katawan ang dalawang sakay ng kotse na agad din isinugod sa pagamutan subalit idineklara din na dead on arrival ang mga ito.

Dinala naman sa himpilan ng PNP Echague ang suspek maging ang dalawang sasakyan para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.

Facebook Comments