*Cauayan City, Isabela*- Desidido ang mismong Corporate President ng Cauayan Medical Specialist Hospital na sampahan ng kaso ang dalawa nitong matataas na pinuno matapos kunin ang perang mahigit P300,000.00 libong piso.
Kinilala ang mga suspek na sina Namnama Calacien, 39 anyos, Board Secretary at Glory Mae Batuy, 38 anyos, treasury Head ng nasabing kumpanya.
Tiniyak naman ng Corporate President ng hospital na si Atty. Ernesto Piedad ang pagsasampa ng kaso laban sa mga suspek.
Batay sa naging salaysay ni Atty. Piedad sa pulisya, may mga empleyadong tumawag sa kanya bandang hapon nitong Enero 13 na nagsasabing maglalabas ng pera si Calacien at laking gulat nito dahil hindi umano otorisadong maglabas ng pera ang suspek. Dahil dito, agad na nagtungo si Atty. Piedad sa hospital at nadatnan niya si Calacien sa labas ng hospital na may bitbit na mga envelope at kanyang tinanong kung ano ang laman ng mga envelope ngunit tumanggi itong buksan para ipakita kaya’t hinablot na lamang niya ito at dito na nadiskubre na may lamang pera ang isang pulang envelope.
Agad namang dinala sa pulisya ang dalawang suspek para sa karagdagang imbestigasyon at napag alaman na umabot sa kabuuang P331,000.00 ang laman ng pulang envelope.
Natanong ang mga suspek kung paano nakapaglabas ng pera sa ganoong halaga pero hindi nila masagot dahilan upang agad ikustodiya sa pulisya ang mga ito.
Nasampahan na ng kasong Qualified Theft ang mga suspek at hinihintay na lamang ang desisyon ng korte.