Cauayan City, Isabela- Dalawang kooperatiba ng mga magsasaka sa Lungsod ng Cauayan ang nabiyayaan ng Agricultural Machineries mula sa Department of Agriculture sa katatapos na distribusyon nito sa City of Ilagan, Isabela.
Ayon kay Ginoong Ricardo Alonzo, City Agriculturist,ito ay bahagi ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) na layong tulungan ang mga magsasaka para makaiwas sa malaking gastos sa ani ng mga palay at mais.
Aniya, target na matulungan ang mga member cooperative sakaling mag-ani ng kani-kanilang pananim at mapabilis ang produksyon at maiwasan ang pagkasira ng kanilang mga pananim.
Bagama’t nasa stage palang ng pagtatanim sa ngayon ay inaasahan na magagamit ang nasabing mga makinarya sa susunod na anihan kaya’t laking tulong aniya para sa mga magsasaka ang pagkakaroon ng makinarya.
Kabilang sa mga tinanggap ng Cauayan City Agriculture and Fishery Cooperative at Rotary Community Core ang Rice Combine Harvester, Hand Tractor at Rotavator.
Hinihikayat naman ng tanggapan ng City Agriculture ang iba pang magsasaka na magtungo sa kanilang opisina para makatanggap ng iba’t ibang programa mula sa ahensya ng pagsasaka.