Tuluyan nang iba-blacklist ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang Korean nationals na nag-facilitate sa tangkang paglabas ng bansa ng 13 undocumented overseas Filipino workers.
Ang naturang mga Pinoy ay iligal na ni-recruit ng mga Koryano para magtrabaho sa Malaysia.
Kinilala ang Korean nationals na sina Lee Jeong Seop at Pyun Jung Su.
Si Lee ang sinasabing nag-ayos sa mga dokumento para makabiyahe ang 8 biktima na naharang sa Clark airport na sasakay sana sa Jetstar Airways papuntang Singapore at mula doon sasakay at bibiyahe patungong Kuala Lumpur.
Inamin naman ng mga Pinoy na ni-recruit sila ni Lee para magtrabaho bilang English instructors ng Korean students sa Malaysia.
Samantala, ang 5 namang biktima ay nahuli kasama si Pyun na sasakay sana sa Cebu Pacific flight papuntang Hongkong.
Ang limang Pinay ay dadalhin daw sana sa Korea para magtatrabaho bilang nightclub entertainers.
Hawak ngayon ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ang mga biktimang Pinoy para sa imbestigasyon.