2 kotong traffic enforcers, sinuspinde ng MMDA

Sinuspinde ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos ang dalawang traffic enforcers na naaktuhan sa video ng pangongotong sa may Baclaran.

Nahaharap ngayon sa 90-day suspension ang mga traffic enforcers na sina Raul Gulmatico at Corazon Castañeda.

Binigyan ng tatlong araw sina Gulmatico at Castañeda para magpaliwanag sa reklamo laban sa kanila.


Hinimok naman ni Abalos ang publiko na i-report sa MMDA ang anumang illegal activities na kinasasangkutan ng kanilang mga empleyado.

Giit ni Abalos, hindi niya kukunsintihin ang mga iligal na gawain at hindi niya pababayaang mabahiran ang imahe ng ahensya.

Sa kumalat na video sa social media, makikita ang top view na kuha sa dalawang traffic enforcers na palihim na kinuha ang pera sa hinuling motorcycle rider kapalit ng driver’s license.

Bagama’t di kita ang mukha ng dalawang traffic enforcers dahil mula sa taas ang kuha ng video at mga naka-face mask, natukoy naman kung sino ang mga naka-duty sa lugar ng mga oras na iyon.

Facebook Comments