2 Lalaki, Arestado sa Pagnanakaw ng Meryenda!

Cauayan City, Isabela- Arestado ang dalawang lalaki na kinabibilangan ng isang menor de edad matapos maaktuhang nagnanakaw sa isang snack haus sa Brgy.District 3, Tumauini, Isabela.

Kinilala ang naaresto na sina Dilson Villa, 18 anyos, out of school youth, binata at 17 anyos na itinago sa pangalang ‘Totoy’ na kapwa residente ng Brgy. Annafunan, Tumauini, Isabela.

Batay sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan mula sa Isabela Police Provincial Office (IPPO), habang papasok sa kanilang pwesto na natakpan lamang ng trapal ang mga biktimang sina Virgilio Gannaban, 53 anyos, may-asawa at Olivia Gannaban, 50 anyos, na kapwa residente ng Brgy. Lingaling, Tumauini, Isabela ay naabutan at naaktuhan ang dalawang suspek na kumukuha ng tig-dalawang pakete ng footlong at fries na may katumbas na halagang limang daang piso (P500.00).


Agad namang inireport ng mga biktima sa himpilan ng pulisya ang naturang pangyayari na nagresulta sa pagkakaaresto ng mga suspek.

Dinala na sa PNP Tumauini ang mga suspek para sa karagdagang imbestigasyon at tamang disposisyon.

Facebook Comments