2 Lalaki, Muling Naaresto sa Pagbebenta ng Droga!

Cauayan City, Isabela- Muling naaresto ng mga otoridad ang dalawang lalaki na magkaibigan matapos matiklo sa pagbebenta ng iligal na droga pasado alas 9:00 kagabi sa Catleya Subdivision, Purok 6, Cabaruan, Cauayan City, Isabela.

Kinilala ang dalawang suspek na sina Edgar Valdez, 24 anyos, binata, residente ng Banna Uy St, District 1, Cauayan City, Isabela at Rogiemer Lucas, 29 anyos, walang asawa at residente naman ng Brgy. Minante 1 ng nasabing Lungsod.

Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan, nang mapag-alam ng pulisya na muling bumalik sa iligal na transaksyon ang dalawang suspek na kalalabas lamang ng kulungan ay agad na nagkasa ng drug buy bust operation laban sa mga suspek na nagresulta naman sa kanilang pagkakahuli.


Narekober sa pag-iingat ng mga suspek ang dalawang (2) piraso ng transparent plastic sachet na naglalaman ng pinatuyong dahon ng marijuana na may fruiting tops, dalawang (2) sachet ng hinihinalang shabu, isang libong piso (P1,000) na marked money, anim (6) na unit ng cellphone, isang (1) digital weighing scale, isang (1) rolyo ng plastic sachet, sling bag at gunting.

Dinala na sa himpilan ng pulisya ang dalawang suspek at mga nakumpiskang item para sa karagdagang imbestigasyon at tamang disposisyon.

Facebook Comments