2 Lalaki na Nangisda sa Ilog, Pinaghahanap pa rin Matapos Malunod!

Cauayan City, Isabela- Kasalukuyan pa rin na pinaghahanap ng mga kinauukulan ang dalawang lalaki na nalunod sa Cagayan river sa magkahiwalay na lugar sa Lalawigan ng Isabela.

Unang naitala ang pagkalunod ni Robin Angoluan, 44 anyos, walang asawa, tinatayang nasa 5’7″ hanggang 5’8″ ang taas, katamtaman ang pangangatawan, nakasuot ng itim na short pants, walang suot na damit at residente ng brgy. Mabantad, Cauayan City, Isabela.

Batay sa imbestigasyon ng PNP Cauayan City, dakong alas 5:30 ng hapon noong Mayo 15, 2020 nang magtungo ang biktima sa ilog Cagayan sa kanilang barangay upang mangisda kasama ang kapatid nito na si Roy Angoluan.


Habang nasa ilog ang magkapatid ay nagtungo sa gitna ng ilog ang biktima upang ayusin at ilagay ang fishnet subalit kalauna’y bigla itong naglaho.

Agad namang iniulat ni Roy sa mga barangay officials ang pagkalunod ng kanyang kapatid.

Samantala, patuloy rin ang retrieval operation ng mga otoridad sa isang laborer na si Rex Ferndez, 20 anyos, residente ng Brgy. Villa Victoria, Echague, Isabela na nalunod rin sa ilog Cagayan sa naturang barangay na kahit may banta ng Bagyong Ambo.

Nakaligtas naman sa pagkalunod ang dalawang kasama at kabarangay na kinilalang sina Gody Ferndez, 33 anyos, walang asawa, laborer at Fernando Guiang, 40 anyos, may-asawa, at isang magsasaka.

Ayon sa kwento ng dalawang nakaligtas, nangisda ang mga ito sa nasabing ilog at habang sila’y pauwi sa kanilang bahay ay biglang lumubog ang kanilang sakay na bangka dahil sa malakas na alon ng tubig.

Agad naman silang na-rescue ng iba pang nangisda sa ilog subalit hindi na nasagip si Rex Ferndez.

Facebook Comments