Cauayan City, Isabela- Idinahilan ng dalawang (2) una nang naaresto sa kasong homicide at frustrated murder kung bakit hindi sila nakadalo sa itinakdang hearing ng korte na sanhi naman ng kanilang muling pagkakahuli.
Dati nang nahuli ang akusadong sina Mario Dupali at Romeo Eugenio ng Calaocan, Angadanan, Isabela dahil sa kasong kinakaharap ngunit pansamantalang nakalaya ang mga ito matapos na makapagpiyansa.
Hindi nakadalo ang dalawang akusado sa pinakahuling schedule ng kanilang hearing dahil wala umanong masakyan nitong unang araw ng Hunyo.
Dahil dito, muling naglabas ng warrant of arrest si hukom Ariel Palce ng RTC Branch 40 na agad namang isinilbi ng PNP Cauayan na nagresulta sa pagkakadakip ng dalawa.
Ayon sa dalawa, taong 2018 nang mangyari ang kaso kung saan ay ‘self-defense’ lamang ang kanilang ginawa na nagresulta sa pagkamatay ng biktimang si Tyro Operiano ng Angadanan.
Ayon naman kay Eugenio, dati nang mayroon silang alitan ng biktima at isang araw umano paggaling nila sa isang videoke bar ay hinataw at inundayan ng saksak ng biktima si Eugenio ngunit nakailag ito hanggang sa maagaw nito ang patalim na ginamit sa pagpatay kay Operiano.
Maging si Dupali ay hinabol din umano ng biktima kaya’t nadamay ito sa kaso.
Hindi na pinayagang makapag piyansa ng korte ang dalawa dahil pangalawang beses nang nasilbihan ng warrant of arrest.
Nakatakdang ipasakamay sa BJMP Cauayan ang dalawa upang doon na lamang manatili habang dinidinig ang kanilang kinakaharap na kaso.